Sinisilip ng pamahalaan ang pagtatayo ng karagdagang repacking centers para sa relief aid para matiyak ang agarang paghahatid ng ayuda sa oras ng kalamidad.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, may plano ang gobyerno na magtayo ng repacking centers na sisimulan sa susunod na taon.
“So, we wanna make sure na bukod sa mga regional, provincial, municipal warehouse natin, ‘yung repacking center natin nakakalat rin dapat sa buong bansa. So, that’s something that we’re working on right now,” sambit ni Gatchalian.
Sa ngayon, ang Pilipinas ay mayroong dalawang repacking centers: sa Pasay hub – ang National Resource Operations Center, at ang Cebu hub – na nagsisilbi para sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Gatchalian na ang ikatlong center ay itatayo sa Caraga Region, partikular sa Butuan para magsilbi para sa Mindanao, at iba pang typhoon prone areas sa silangang bahagi ng Kabisayaan at Mindanao.




