CAMARINES SUR – Nasawi ang isang dating punong barangay ng Barangay Mananao sa bayan ng Tinambac matapos pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang mga suspek sa Barangay Bagacay ng naturang bayan nitong Hunyo 10, 2024.
Sa ulat ni Tinambac Municipal Police Station (MPS) Chief of Police na si PMaj. Inar Vic Florece, nasa loob ng kotse ang biktimang si Rey Alain Brugada habang binabaybay ang kalsadang bahagi ng Tinambac-Calabanga.
Dito ay bigla na lamang siyang pinagbabaril ng mga hindi nakikilalang mga salarin.
Bukod sa dating opisyal, sugatan naman ang kasama nitong babae na kinilalang si Mary Jane Mayhay na syang namumuno ng Tinambac Public Safety Office.
Walang nakakita sa pangyayari na pwedeng makakapagtuturo sa mga salarin bukod sa nakaligtas na si Mayhay na nagpapagaling sa ospital.
Isa sa tinitingnang anggulo ng pulisya ay maaaring may kinalamang ang pamamaslang sa biktima ay dahil sa dati siyang miyembro ng military.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng awtoridad para matukoy ang mga nasa likod ng krimen.





