Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P5 billion para palakasin ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga Pilipinong naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, mapapalakas nito ang pagpapatupad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na nakalinya sa direktiba ng pamahalaan na matugunan agad ang pangangailangan ng mga disaster-affected communities.
Ang AICS ay key service ng DSWD, na nag-aalok ng medical, burial, transportation, education, at food assistance, maging financial aid para sa mga indibiduwal at pamilya sa oras ng kalamidad o sakuna.
Ang alokasyon ng naturang pondo ay nakapaloob sa special provisions ng 2024 General Appropriations Act (GAA) para sa paggamit ng Unutilized Appropriations (UA). Dito ay maaaring gamitin ang pondo para sa essential infrastructure at social programs kabilang ang financial aid para sa low-income citizens.




