Nanawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang regulasyon sa paputok kasabay ng pagdiriwang ng pagsalubong sa bagong taon.
Ito ay upang mabawasan ang bilang ng firecracker-related injuries.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nananawagan sila sa mga LGU na higpitan ang paggamit ng paputok at isulong ang community fireworks display na mayroong kaukuang permit at nagsagawa ng public awareness campaigns sa panganib na dulot ng ipinagbabawal na paputok.
Inatasan din ng kagawaran ang Bureau of Fire Protection (BFP) na tiyakin na ang itinalagang fireworks display zones ay tumatalima sa Republic Act No. 9514 o Fire Code of the Philippines.
Ang Philippine National Police (PNP) naman ay inatasang mangumpiska at sirain ang mga masasabat na ilegal na paputok.
Kaya panawagan ng DILG sa publiko na iwasan at huwag tangkilikin ang mga mapanganib na ilegal na paputok, at gumamit ng mga alternatibong pampaingay.





