Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na may naitala silang isang bagong kaso ng mpox o mas tinatawag dati na monkeypox sa bansa.
Dahil dito, umakyat na sa 10 ang kabuoang caseload ng mpox sa Pilipinas.
Sa report ng DOH nitong August 18, 2024, ito ang unang mpox na naitala sa bansa ngayong taon, at ang huli ay noong Disyembre 2023.
Ang bagong kaso ay isang 33-anyos na lalaking Pilipino na walang travel history sa labas ng bansa pero mayroong close, intimate contact tatlong linggo bago lumabas ang sintomas.
Ang sintomas ay lumabas higit isang linggo na ang nakararaan kung saan nagkalagnat ang pasyente, na sinundan ng pamamantal o rashes sa mukha, likod, batok, singit, mga palad at talampakan.
Agad idinala ang pasyente sa ospital at kinolektahan ng specimens at sumailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR).
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, nasa isolation na ang pasyente.
Muling nilinaw ng DOH na ang mga dating pasyente ng mpox sa bansa ay na-isolate, inalagaan at gumaling na. Wala pang naitatalang nasawi sa naturang sakit.
Kaya mahalagang paalala ng DOH na sundin ang proper hygiene at disinfection.




