Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng limang amputation cases dulot ng fireworks injuries sa pagitan ng Disyembre 25 at 26.
Dahil dito, umakyat na sa 52 ang bilang ng mga biktima ng paputok ngayong holiday season.
Ayon sa DOH, ang limang amputations ay nagresulta ng pagkakaputol ng daliri at kamay ng tatlong menor de edad at dalawang adult na lalaki, mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Naitala ang amputation cases matapos mabiktima ang mga naturang indibiduwal ng mga paputok tulad ng whistle bomb, ‘boga’, ‘plapla’, ‘five star’, at ‘Goodbye Philippines’.
Maliban sa whistle bomb, ang mga nabanggit na paputok ay ilegal.
Mula Disyembre 25 at 26, nakapagtala ang DOH ng 24 na bagong kaso ng fireworks injuries, na may edad lima hanggang 52, karamihan sa mga kaso ay pawang mga kalalakihan.
Karamihan sa mga kaso ay naitala sa National Capital Region (NCR) na may 20 kaso, Central Luzon, at SOCCSKSARGEN.
Kaya paalala ni DOH Secretary Ted Herbosa sa publiko na ilayo ang mga bata sa paputok.






