Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa household beneficiaries ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na may kasamang buntis o may mga batang may edad hanggang 2-taong gulang na i-update ang kanilang profiles.
Ayon kay 4Ps National Program Management Office Director Gemma Gabuya, maaaring i-update ng mga benepisyaryo ang kanilang information sa pamamagitan ng pagkumpleto sa Beneficiary Updating System (BUS) Form 5 sa kanilang city o municipal links.
“The updating of profiles is crucial to ensure that we cover all 4Ps households with pregnant members and children not more than 2 years old in the implementation of the F1KD condition under the 4Ps,” sabi ni Gabuya.
“The cooperation from the 4Ps households is important as this will help the 4Ps management in identifying possible and eligible recipients of conditional cash grants,” dagdag pa ni Gabuya.
Para makumpleto ang update, kailangang magpasa ang mga benepisyaryo ng documentary requirements tulad ng birth certificate ng bata o local civil registry, at medical o health certificate para sa mga buntis mula sa kanilang Rural Health Unit (RHU) o Barangay Health Station (BHS).
Ang F1KD conditional cash grant, na panukala ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kay Pangulong Bongbong Marcos ay naglalayong magbigay suporta sa mga pamilya sa unang 1,000 araw ng child development.
Sa ilalim ng 4Ps program, bawat household-beneficiary ay makatatanggap ng health at nutrition grant na P750 kada buwan.
P300 kada buwan ang education grant para sa may mga batang nag-aaral sa elementarya, P500 para sa junior high school, at P700 para sa senior high school.
Mayroon ding P600 rice subsidy kada buwan.
Ayon kay Sec. Gatchalian, ang eligible 4Ps beneficiaries ay makatatanggap ng P350 kada buwan para sa F1KD.
Tinatayang nasa 650,000 pregnant at lactating women, kasama ang mga pamilyang may batang edad na hanggagn 2-taong gulang ang maaaring matulungan ng naturang 4Ps grant.





