Nakapamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng higit P339 million halaga ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Bicol Region.
Sa statement ng DSWD, nasa 462,969 na pamilyang apektado ng Bagyong Kristine ang nabigyan na ng Family Food Packs (FFPs) at non-food items.
Higit P20.91 million financial aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ang ipinamahagi rin sa mga apektadong lugar.
Ayon kay DSWD Region 5 Director Norman Laurio, naipadala sa Naga City ang 35,000 FFPs kassama ang anim na litro ng tubig at iba pang non-food items.
Dagdag pa ni Laurio, ang lahat ng pangangailangan ng mga kababayan sa Bicol ay naipaabot na sa kanila.
Matatandaang naghatid si Pangulong Bongbong Marcos, at DSWD Secretary Rex Gatchalian ng presidential cash assistance sa mga pamilyang apektado sa Camarines Sur at Albay.




