Patuloy pa rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pag-iisyu ng mga bago at malulutong na banknotes ngayong holiday season, pero nanawagan din sila sa publiko na ikonsidera ang pagpapadala ng aguinaldo sa pamamagitan ng digital platforms.
Sa abiso, inihayag ng BSP na patuloy silang maglalabas ng mga bagong perang papel na maaaring ipampalit sa gustong palitan ang kanilang mga lumang banknotes.
Ang mga malulutong na perang papel ang kadalasang ibinibigay na aguinaldo ngayong Kapaskuhan at kadalasan ay mga mababang denomination ng banknotes tulad ng 20 pesos at 50 pesos.
“The BSP also encourages the public to consider using digital or electronic money in sending cash gifts to their godchildren, friends, and family members,” ayon sa BSP.
Pero sinabi rin ng BSP na mas madali at ligtas din ang pagpapadala ng aguinaldo sa pamamagitan ng e-money para sa kanilang pamamaskuhan.
Sa huling datos ng BSP, aabot na sa 324 million ang mayroong e-money accounts – na ginagamit sa digital payments at monetary gifts.
Muling paalala ng BSP na walang bayad o libre lamang ang pagpapalit ng banknotes sa mga bangko kaya pinag-iingat nila ang publiko sa mga mananamantala ngayong Christmas Season.




