ALBAY – Nakatanggap ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Ako Bicol Partylist ang nasa 540 estudyante mula sa isla ng Rapu-Rapu, Albay.
Nasa 5,000 pesos ang natanggap ng tulong ng bawat mag-aaral sa isinagawang payout sa Lungsod ng Legazpi nitong Abril 15, 2024.
Ayon kay Attorney Alfredo Pido Garbin Jr. ang Executive Director ng Ako Bicol Partylist, isa sa mga pinaka-prayoridad nilang mapaglaanan ng pondo ay ang sektor ng edukasyon dahil naniniwala ang partido na ang edukasyon ay susi para makaahon sa kahirapan ang mahihirap nilang kababayan.
Siniguro rin ni Atty.Garbin na patuloy silang magsusumikap nina Congressman Elizaldy Co at Congressman Attorney Jil Bongalon upang magtuloy-tuloy ang kanilang mga programa.
Samantala, total na 533 estudyante naman mula sa bayan ng Daraga at panibagong batch mula sa isla ng Rapu-Rapu ang nabigyan din ng parehong asistensya nitong Martes, April 16.






