ALBAY – Nagsagawa ang dalawang araw na Enhanced Community Immersion Program ng Class Mabanaag na nag-aaral ng Public Safety Basic Recruit Course sa Police Regional Office (PRO-5) – RTC Bicol sa Barangay Tobog, bayan ng Oas, Albay.
Naging matagumpay ang aktibidad sa tulong ng Bureau of Fire Protection (BFP) at sa suporta ng mismong Lokal na Pamahalaan ng Oas.
Sa aktibidad, tinuruan ang mga barangay tanod ng iba’t-ibang kaalaman tulad ng mga technique sa pag-aresto at gamit ng arnis.
Nagkaroon din ng lecture at demonstration patungkol sa proper sanitation at first aid sa mga Barangay Health Workers, at tinuruan din sila sa paggawa ng tocino at empanada na magagamit bilang dagdag na kita.
Ayon kay Oas Mayor Domingo Escoto, nagbibigay ito ng positibong pagbabago sa kanilang mga residente lalo na sa pagpapanatili ng mapayapang komunidad.
Nagpapasalamat naman si Barangay Tobog, Oas, Albay Chairman Derrick Ravago sa pagkakapili ng kanilang bayan para idaos ang aktibidad.
Naniniwala ang Training Executive Senior Police Officer at ang tagapagsalita ng RTC Bicol na si Police Executive Master Sergeant Ryan Llenaresas na malaki ang maitutulong ng aktibidad sa mga mamamayan maging sa kanilang police trainees.
Dumalo rin sa aktibidad ang Sangguniang Kabataan (SK) Councils at iba pang piling residente sa Barangay Bagsa, Bagumbayan, Balogo, Maporong, Matambo, San Agustin at Barangay San Ramon.






