Naniniwala si Senate President Francis Escudero na mas makabubuti para sa Senado na mag-iimbestiga sa kontrobersyal na War on Drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi si Senator Ronald Dela Rosa ang mamumuno sa imbestigasyon.
Sa panayam kay Escudero, kinausap na niya si Dela Rosa hinggil dito.
“Nakausap ko na si Senator Bato kaugnay niyan, ang sinabi ko sa kanya, ano mang imbestigasyon na nais niya patungkol sa kanya mismo at Senator Go mas maganda siguro kung hindi sila mismo ang manguna ng komiteng yun,” sabi ni Escudero.
Aniya, sinabi niya kay Dela Rosa na baka hindi sang-ayunan ng ilang senador at ng publiko kapag pamunuan niya ang Senate parallel investigation.
Kokonsultahin din ni Escudero ang iba pang kapwa senador para sa iba pang opsyon.
Para sa dating tagapagsalita ni dating Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, tila nagpapatawa si Dela Rosa.
“Ang lakas talaga magpatawa ni Sen. Eh siya nga ang tinuturo ng mga testigo na may sala e, tapos gusto niya siya ang mag “imbestiga” ?” sabi ni Gutierrez sa kanyang post sa X (dating Twitter).
Pinayuhan naman ni P3PWD Party-list nominee Rowena Guanzon si Dela Rosa na manahimik na lang.
“Mas mabuti pa mag shut up na lang si Bato. Allowance hindi bounty for EJk daw,” sabi ni Guanzon sa kanyang X post.
Hindi ligtas si FPRRD sa EJK reinvestigation
Inihayag naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi ligtas si dating Pangulong Duterte sa reinvestigation ng mga hindi naresolbang pagpatay sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“If there are people who are willing to testify and give us evidence para mabuhay natin yung mga kaso kasi walang katahimikan hanggang walang hustisya,” sabi ni Remulla.
“Basta basta’t wala tayong sinasanto. Ang mahalaga kung meron nagkasala sa lipunan ay pagbayaran,” anang kalihim.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Torre na maghahain din ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng kaso laban sa sino man, maging kay dating Pangulong Duterte ukol sa Extrajudicial Killings kung ito ay warranted.
“Pag may makita tayong link ng kahit sino, including the former president, then so be it. We will include them to the charges if the evidence warrants,” sabi ni Torre.
Sabi ni Torreon, maaaring ikonsidera ang pagsasampa ng kasong murder sa mga magiging responsable sa EJK.




