Naaresto ng mga awtoridad ang isang artisan ng Improvised Explosive Device (IED) sa ikinasang follow-up operation sa Pio Duran, Albay.
Kinilala ang naarestong suspek na tinatawag sa mga alyas na “Arsenio/Opesa/Disoy/Andro/Domeng”, na Vice Commanding Officer ng Sentro de Grabidad, Sub Regional Committee 3, Komiteng Probinsya na nag-o-operate sa Albay.
Nahuli ang suspek sa pinagsanib-pwersa ng Philippine National Police (PNP) Bicol at ng Philippine Army (PA).
Sa pagpasok ng mga awtoridad sa kanyang bahay, dito na nila nadiskubre ang samo’t saring IEDs, medical kit, assorted electrical wires at components.
Nasabat din sa operasyon ang isang .38 caliber revolver na may limang rounds ng ammunition.
Mayroon ding dalawang uri ng IED firing devices na nakuha mula sa suspek kabilang ang isang power galvanometer.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Illegal Possession of Firearms and Explosives, at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Inaalam na rin ng mga awtoridad kung saan nagtatago ang mga kasabwat ng suspek.






