Umabot na sa higit 500 ang nasaktan dahil sa paputok kasabay ng pagsalubong ng taong 2025, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa datos ng DOH, lumalabas na 188 karagdagang firecracker-related injuries ang naitala nitong Disyembre 31, Bisperas ng Bagong Taon.
Tatlong kaso ang naitala noong gabi ng Enero 1, 2025, habang tatlong dagdag na kaso nang nadagdag mula sa mga nagdaang araw na huli nang nai-report.
Sa kabuoan, mula Disyembre 22, 2024 hanggang Enero 2, 2025, umabot na sa 534 ang kaso – mababa pa rin kumpara sa 592 cases na naitala sa kaparehas na panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa DOH, ang kwitis – bagamat legal na paputok subalit mapanganib pa rin – ang nangungunang dahilan ng injuries.
Bukod dito, pinakapangunahing dahilan din ng injuries ay boga, five star, at whistle bomb.
Karamihan sa casualties ay mga lalaki (443 cases), na karamihan ay may edad 19 at pababa.
Sinabi Health Secretary Ted Herbosa na inaasahan pa nilang tataas ang kaso sa mga susunod na araw dahil sa mga late reports at mga biktimang hindi agad naipagamot.
Binigyang diin ng kalihim ang kahalagahan ng community fireworks na isinasagawa ng mga pawang professionals upang mabawasan ang bilang ng mga taong nasasaktan dahil sa paputok.
Wala aniya sanang namamatay sa paputok kung walang sibilyang magsisindi nito.
Suportado ng DOH ang panukalang ipagbawal na ng tuluyan ang paputok sa bansa.





