Magpapatupad ang pamahalaan ng agresibong reforestation program at iba pang flood mitigation measures para maibsan ang pagbaha sa Metro Manila, at iba pang flood-prone areas sa bansa.
Sa ginanap na meeting kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) – Infrastructure and Digital Infrastructure Sector Groups at iba pang kaukulang ahensya sa Malacañang nitong Martes, Setyembre 25, 2024, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagtatayo ng matataas na flood walls ay makakatulong para maibsan ang epekto ng pagbaha.
Inirekomenda ng PSAC na palawakin ang internet access at patibayin ang flood mitigation efforts na mahalaga para sa maayos na connectivity at services lalo na sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa.
“Together with our private sector partners, we are building a future where every Filipino from every corner of the Philippines is connected and empowered to succeed,” sabi ni Pangulong Marcos.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos na ang susi sa pagbaha ay ang pagpapatupad ng agresibong reforestation program, dahil aminado siyang hindi pa sapat ang reforestation efforts ng pamahalaan.
Idinagdag pa ng Punong Ehekutibo na ang kapasidad ng flood control system sa bansa ay bumababa bunsod ng lumolobong populasyon.
Kailangan din aniyang matugunan ang problema sa basura sa pamamagitan ng waste-to-energy inititatives.
Agarang pagpasa sa Waste-to-Energy Bill
Pinamamadali rin ni Pangulong Marcos ang pagpasa sa Waste-to-Energy Bill para matugunan ang pagbaha sa bansa.
Sa 6th Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa Malacañang, kailangang isulong ang panukalang batas, lalo na at ang waste-to-energy measure ay mahalagang matalakay para sa flood control.
Aniya, ang waste-to-energy projects ay kayang mabawasan ang mga pagbaha ng 40-percent at kailangang maipatupad sa local government level.
Ang Waste-to-Energy Bill ay aprubado na sa pinal na pagbasa sa Kamara habang nakabinbin ito sa pangalawang pagbasa sa Senado.
Water Management
Nais din ni Pangulong Marcos ang reogranization ng water management sa bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng Department of Water Resources.
Ang Palasyo ay bubuo ng executive version ng Department of Water Resources bill.
Nais ng Punong Ehekutibo na ibigay ang flood control job direkta sa water resources body kasama ang National Irrigation Agency na isa sa coordinating agencies.





