Diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si dating Albay Governor Noel Rosal para sa kanyang muling pagtakbo sa May 2025 elections.
Sa 15-pahinang ruling na may petsang December 27, dinisikwalipika si Rosal sa ilalim ng Section 40 (b) ng Local Government Code (LGC), kung saan dinidiskwalipika ang sino mang tatakbo sa elective post na tinanggal mula sa serbisyo dahil sa resulta ng administrative case.
Kinatigan ng Poll Body ang desisyon ng Office of the Ombudsman na alisin sa puwesto si Rosal noong December 2022 dahil sa paglabag sa LGC matapos i-demote ang tatlong opisyal ng Albay nang walang sapat na dahilan. Nasa anim na buwan lang nagtagal sa posisyon si Rosal.
Isang nagngangalang Josefino Valenzuela Dioquino ang naghain ng disqualification laban kay Rosal na dinismiss ng Office of the Ombudsman dahil sa kaso kung saan inakusahan ang dating gubernador ng grave misconduct, oppression, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Inakusahan si Rosal ng paglabag sa Civil Service Commission (CSC) rules kung saan nag-reassign siya ng ilang department heads sa lalawigan, na nakaapekto sa operasyon at paghahatid ng serbisyto ng pamahalaan panlalawigan.
Kabilang sa direktiba o utos na ipinataw ng Ombudsman ay perpetual disqualification mula sa paghahawak ng public office.
Inapela ng kampo ni Rosal ang desisyon ng Ombudsman sa Court of Appeals na kasalukuyang nakabinbin.
Naghain din si Rosal ng petisyon sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang Comelec Resolution No. 11044-A, kung saan pinagbabawalan ang mga dating public official gaya ni Rosal na tumakbo muli para sa public office.
Naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) para sa Comelec para ihinto ang pagpapatupad ng Resolution No. 11044-A.
Sa kabila nito, inihayag ng Comelec Second Division na mayroon silang ‘legal and actual basis’ para pagpasyahan ang kaso ni Rosal sa ilalim ng Omnibus Election Code.






