Idinaos nitong Biyernes, Marso 09, 2024 ang groundbreaking ceremony para sa 20-storey Philippine Cancer Center.
Pinangunahan ito nina House Speaker Martin Romualdez, Ako Bicol PartyList Congressman at Appropriations Chairman Zaldy Co, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, ilang local officials at iba pang mambabatas.
Ang naturang gusali ay itatayo sa 5,000-square meter na lote sa loob ng Blood Bank Complex sa Quezon Avenue, Diliman na magsisilbing comprehensive center para sa cancer diagnosis, treatment, research at patient support.
Ayon kay Romualdez, magkakaroon ito ng sub-specialty center na nakatuon sa iba’t ibang uri ng cancers tulad ng hepatic, renal, gastrointestinal, lung, breast, women reproductive organs, skin, at maging rare cancers.
Bukod dito, mayroon ding training center at dormitory para sa mga doctor at nurses, at may sleeping quarter para sa mga kamag-anak ng cancer patients.
Binanggit din ng Speaker ang pondong inilaan ng Kamara sa critical services at fixed assets sa PCC tulad ng LINAC, PET scans, hybrid operationg rooms, Cyberknife, proton therapy, at equipment para sa specialized radiotherapy at surgery procedures.
Naniniwala si Romualdez na sa pamamagitan ng PCC mapipigilan o mababawasan na ang mortality at morbidity ng libu-libong Pilipino mula sa naturang sakit.
Batid ni Romualdez ang hirap na dinadanas ng mga pasyenteng may cancer at ng kanilang pamilya, lalo na ang gastos sa pagpapaospital at pagpapagamot.
Ang pagtatayo ng PCC ay nakamandato sa ilalim ng Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act noong 2019.
Ang PCC ay sasailalim sa kontrol at superbisyon ng Department of Health (DOH) at pamumunuan ng isang executive director.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula Enero hanggang Setyembre 2023, ang cancer ay nananatiling second leading cause of death sa mga Pilipino.
Ang Cancer Center ay kukumpleto sa medical complex kung saan magkakalapit ang mga specialty hospitals tulad ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, at Philippine Children’s Medical Center.




