Umabot na sa 3,940 na pamilya ang inilikas sa Negros Occidental at Negros Oriental kasunod ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon nitong Lunes, Disyembre 09, 2024.
Ito ay sa huling datos ng Office of Civil Defense (OCD) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices (PDRRMO) ngayong araw, Disyembre 10, 2024.
Ayon kay OCD Spokesperson Edgar Posadas, nagsagawa na ng force evacuation na nakaapekto sa 1,800 pamilya sa limang barangay sa Negros Oriental na nasa loob ng six-kilometer danger zone.
Sinabi naman ni Negros Occidental PDRRMO Chief Irene Bel Poteña na mayroong 2,140 na pamilya ang inilikas sa provinsya – kabilang ang 1,132 mula sa bayan ng La Castellana, ang may pinakamaraming bilang ng apektadong lugar. Kasama rin ang 673 na pamilya sa La Carlota City, 200 pamilya sa Pontevedra, 131 na pamilya sa Bago City, at apat na pamilya sa Moises Padilla.
Ang mga lokal na pamahalaan ay ipinag-utos na rin ang pagpapalikas sa mga residenteng malapit sa buklan, at pansamantalang itinuloy sa 18 iba’t ibang public schools, coliseums, at gymnasiums.
Nagtatag din ng staging area sa harap ng La Castellana Municipal Hall.
Ayon pa sa OCD, ang Panaad Stadium sa Bacolod City ay itinalaga bilang primary evacuation center na may kapasidad na hanggang 30,000 evacuees bilang paghahanda sa posibleng worst-case scenario.
Sinabi naman ni Department of National Defense (DND) Secretary at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairman Gilberto Teodoro, pinagana na rin ang National Inter-Agency Coordinating Cell (IACC) para sa response efforts.
Face masks at dagdag na suporta para sa mga evacuees ang kailangan lalo na at nakararanas na ang ilan ng hirap sa paghinga at pangangati ng lalamunan.
Maglalagay na ng water tanks sa evacuation centers para matiyak ang sapat na supply. Magpapadala na rin ng 2,100 face masks at 1,000 family hygiene kits sa Bacolod City, kabilang ang hiling na water filtration truck mula sa OCD Rapid Deployment Team.




