Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa halos 80,000 family food packs (FFPs) at higit 15,000 non-food items ang naka-preposition para sa mga residente, kabilang ang mga nasa evacuation centers na apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, higit 40,000 FFPs at higit 14,000 non-food items ang naka-preposition sa Negros Occidental, habang 40,000 FFPs at higit 1,800 non-food items ang naka-preposition sa Negros Oriental.
“Mayroon na po tayong mga na-release sa mga affected populations particularly yung mga pamilyang nasa evacuation centers,” sabi ni Dumlao.
Una nang sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na kabuoang 9,403 residents o 2,880 families sa Negros Occidental ang nakapag-evacuate kasunod ng pagputok ng Kanlaon, Lunes ng hapon, Disyembre 09, 2024.
Samantala, inihayag ng DSWD na mayroong 13 evacuation centers sa Negros Occidental.
Bukod sa food at non-food items, magbibigay din ang DSWD ng cash assistance sa mga apektadong pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Nakataas ang Alert Level 3 (Magmatic Unrest) sa Bulkang Kanlaon mula sa Alert Level 2 (Increasing Unrest).




