Nakapagtala ng 2,450 passengers, 150 rolling cargoes at 5 vessels ang stranded sa 12 pantalan sa Bicol Region dahil sa Bagyong Kristine, batay sa huling report mula sa Office of Civil Defense Bicol (OCD-5).
Ayon kay OCD 5 Spokesperson Gremil Alexis Naz, patuloy ang natatanggap nilang report sa mga apektadong lugar.
Sa report naman mula sa Philippine Ports Authority (PPA), nasa 4,300 na pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Nasa 2,002 stranded passengers ang naitala sa Eastern Leyte at Samar, habang nasa 2,000 pasahero sa Bicol Region.
Nakapagtala naman ng tinatayang 240 stranded passengers sa mga pantalan sa Marinduque at Quezon Province, 71 ang naitala sa Western Leyte at Biliran.
Nasa 50 stranded na pasahero ang naitala sa Surigao ports, at may mga naitala ring stranded passengers sa iba’t ibang pantalan sa Masbate, Panay, Guimaras, Negros Oriental at Siquijor.
Una nang ipinag-utos ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago sa lahat ng port managers na tugunan ang pangangailangan ng mga stranded na pasahero.





