Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na higit 50 probinsya sa bansa ang maaaring maapektuhan ng Bagyong Uwan.
Ayon kay OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, nasa 54 na probinsya ang apektado mula sa Region 1 hanggang Caraga.
Bagamat hindi tinukoy ang mga probinsya, kasama rin dito ang National Capital Region (NCR).
Sinabi naman ni OCD Deputy Spokesperson June Castillo na nasa 30.8 million na Pilipino ang exposed o maaaring maapektuhan ng Bagyong Uwan.
Sa datos naman ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) na nasa 5.7 million individuals sa coastal areas ang exposed sa banta ng Bagyong Uwan.
Sa tala naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 8.4 million ang maaapektuhan ng bagyo kung saan 3.5 million sa Ilocos Region, 2.03 million sa Cagayan Valley, 1.4 million sa Cordillera Administrative Region, batay sa 2020 data ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nasa 1.3 million individuals naman ang maaapektuhan sa limang Central Luzon provinces, habang ang iba pa ay mula sa Quezon Province, Occidential Mindoro, at Catanduanes.
Apela ng OCD sa local at provincial government units na maaapektuhan ng bagyo na magsagawa ng preemptive at preparatory measures.
Samantala, sa ulat mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Mines and Geosciences Bureau (MGB) na higit 8,000 barangay ang exposed sa landslides at flooding na dulot ng ulan.




