Lumobo pa sa 568 ang kaso ng Pertussis o “Whooping Cough” sa bansa ngayong taon.
Sa datos ng Department of Health (DOH), 28 bagong kaso ng Pertussis ang naitala sa bansa mula Marso 10 hanggang 16.
Higit 20-beses na mas mataas ito kumpara sa naitalang kaso sa kaparehas na panahon noong nakaraang taon na nasa 26 lamang.
Nasa 40 na ang naitalang namatay sa nakakahawang sakit.
Sa National Capital Region (NCR) naitala ang pinakamaraming kaso na nasa 58, habang nakapagtala rin ng kaso sa CALABARZON, Western Visayas, MIMAROPA, at Central Visayas.
Anim sa bawat 10 pertussis cases ay sanggol na edad na hindi lalagpas sa anim na buwan. Karamihan sa mga infants ay pawang hindi nabakunahan o hindi pa matukoy ang vaccination history.
Kaya hinihikayat ng DOH ang mga magulang at guardian na mag-avail ng pentavalent vaccines sa government health centers dahil bukod sa Pertussis, pinoprotektahan din nito ang mga nabakunahan kontra Diphtheria, Tetanus, Hepatitis B, at Haemophilus influenzae type B.
Mula nitong Marso 25, nasa 64,400 doses ng pentavalent vaccines mayroon ang bansa, at nasa tatlong milyon pa ang inaasahang dadating sa bansa.





