ALBAY – Arestado ang tatlong tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Purok 4, Barangay San Roque, hapon ng Lunes, Hunyo 20, 2024.
Kinilala ag mga suspek na sina Roderick Vibal, 37-anyos, tiyuhin nitong Alexander Salina, 45-anyos, at ang live-in partner na si Anabelle Almoete, 40-anyos.
Narekober sa mga suspek ang 24 na pirasong plastic sachet laman ang hinihinalang shabu na may bigat na 102.79 gramo o 692,172 pesos ang street value.
Ayon sa Tabaco City Police Station, matagal na nilang minamanmanan ang galaw ng tatlong akusado dahil sa patuloy na pagbebenta ng ilegal na droga kung saan ang mga parokyano nila ay ang mga mangingisda rin sa lugar at mga katabing bayan.
Mababatid na dati nang nakulong si Vibal dahil sa ilegal na pangingisda.
Sa Legazpi City, naaresto ng mga awtoridad si alyas “Nognog” 50-anyos na isang street-level individual (SLI) sa Barangay Bonot at nakumpiska sa kanya ang ilang selyadong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 22.5 gramo o 153,000 pesos ang market value.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.






