LEGAZPI CITY – Mahigit 900 indibidwal mula sa iba’t ibang lugar sa Bicol ang sumailalim sa libreng tuberculosis (TB) screening ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) sa isinagawa nitong Regionwide Active Case Finding Activity.
Bahagi ang aktibidad ng Nationwide Simultaneous Active Case Finding of the Department of Health in commemoration of World Tuberculosis Day (WTBD).
Ang libreng X-ray ay handog ng Philippine Business for Social Progress (PBSP) at nagbigay din ng iba pang serbisyong pangkalusugan ang mga Local Health Support Division Clusters, Health Promotion Unit, Daraga RHU, BU Medical Services, at Philippine Coalition against Tuberculosis (PhilCAT).
Kabilang sa mga target na benepisyaryo ang mga contact ng mga pasyenteng may TB, high risk group, vulnerable population, at mga indibidwal na may exposure history na na-screen para sa TB sa pamamagitan ng X-ray test.
Sa nasabing bilang, 981 dito ay mula sa Catanduanes Province/ Eastern Bicol Medical Center – 252; mula Albay/ Bacacay – 239; Daraga – 158; mula Masbate/ Milagros – 156; mula Sorsogon/ Sorsogon City – 106; at Naga City – 70.
Ang mga resulta na nagpositibo para sa TB ay ipapasa sa isang health facility at isasailalim sa isang GeneXpert test para sa kumpirmasyon bago ang karagdagang pamamahala at paggamot.
Ang selebrasyon ay may temang: “For a #TBFree Nation, YOUth can #EndTB”.
Patuloy ang paghikayat ng DOH Bicol sa publiko na sumailalim sa libreng TB screening sa mga Rural Health Units at health facilities sa rehiyon upang matukoy kaagad ang sakit at mabigyan ng kaukulang atensyong medikal.




