CAMARINES SUR – Aabot sa 300,000 pisong halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng mga awtoridad sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Lungsod ng Naga.
Nitong Hunyo 13, 2024, naaresto ang limang indibiduwal na naaktuhang gumagamit at nagbebenta ng illegal na droga sa isang bahay sa Barangay Conception Pequeña.
Kinilala ang mga naarestong indibidwal na sina Jay Medina, 46 anyos, Ria Tam, 42 anyos, Jose Alvin Perez Y Villamor, 42 anyos, Abel Nailes, 50 anyos, at Henry Hapa, 29 anyos na pawang residente ng nasabing lugar at itinuturing na newly identified drug personalities.
Nakuha sa posisyon ng mga akusado ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu at may timbang na 15 gramo na may street value na 104,000.00 pesos. Sa pagkapkap, may narekober pang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu na mahigit 70,000.00 pesos ang street value.
Sa Purok 5, Balatas, Naga City, arestado naman ang 40 anyos na si Antolyn Bañas sa ikinasang buy-bust operation gabi nitong Miyerkules, Hunyo 12, 2024.
Nakuha sa posisyon ni Bañas ang isang pirasong heat-sealed plastic sachet na laman ng pinaghihinalaang shabu na 12,000.00 pesos ang street value.
Sa body search, nakuha naman ang tatlong piraso ng transparent plastic sachets na may laman ng pinaghihinalaang shabu na 130,000.00 pesos ang street value.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.






