Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang pagkakasabat sa P411 million cash mula sa 11 suspect sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ay pinangangambahang gagamitin sa ilegal na aktibidad na may kinalaman sa 2025 Midterm Elections.
Nabatid na siyam na dayuhan at dalawang Pilipino ang naaresto matapos mahulihang bitbit ang mga bag na may dalang pera na nagkakahalaga ng P441.92 million sa General Aviation Area ng MCIA nitong Mayo 9 at Mayo 10.
“This incident raises serious concerns about potential election-related illegal activities, including vote-buying and money laundering. The involvement of multiple foreign nationals strongly suggests the alarming possibility of foreign interference in our sovereign electoral process,” sabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.
Ang mga naturang cash ay nakatakda sanang ilipad sa pamamagitan ng private aircraft flight RP-69968 patungong Manila.
Kabilang sa mga naaresto ay anim na Chinese, isang Malaysian, isang Indonesia, isang Kazakhstani, at dalawang Pilipino. Dumating sila lulan ng isang puting Toyota Super Grandia (na may plakang NGL 5798) at tinangkang lumagpad sa standard security protocols.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng Philippine National Police (PNP) na ilan sa mga suspek ay mayroong pekeng driver’s licenses, habang ang isa ay may active INTERPOL notice at may nakabinbing arrest warrants.
Sinubukan umano ng grupo na magpakita ng casino certificate, para palabasin na ang pera ay mula sa napanalunan nila sa gambling sa casino junket operator na ‘White Horse’.
Gayumpaman, kinuwestyon ng mga awtoridad kung lehitimo ang dokumento, lalo na ang naturang junket operator ay nauugnay sa kidnap-slay case ng negosyanteng si Anson Que.
Ayon sa AFP, ang kabiguan ng mga suspek na makapagbigay ng valid documentation para sa pag-transport ng napakalaking halagang pera ay malinaw na paglabag sa Comelec Resolution No. 11104, na siyang nagre-regulate at nagpe-penalize ng unauthorized transport ng malalaking halagang pera tuwing election period.





