Natipon-tipon ang mga nag-kilos protesta sa EDSA People Power Monument sa Quezon City nitong Biyernes, Enero 31, 2025 para sa panawagang ipa-impeach si Vice President Sara Duterte.
Alas-9:00 ng umaga, nagsimulang dumating ang mga protesters sa venue bitbit ang mga placards na nananawagang patalsikin sa pwesto ang bise presidente.
Nanawagan din sila sa Kamara na aksyunan ang impeachment complaints na isinampa laban kay Duterte noong Disyembre 2024.
“Anong petsa na? Matatapos na ang Enero, wala pa ring aksyon ang Kongreso sa mga impeachment complaints. Magpapatalo at magpapasindak ba ang Kongreso kay Sara at sa kanyang chicheryang mga palusot?,” sinabi ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña.
Hinihikayat ni Cendaña ang mga House members na iprayoridad ang interes ng bansa.
“Ang dapat mangibabaw ay ang ating moral at pambansang obligasyon, hindi ang pangamba sa darating na halalan. Hindi tayo dapat nagpapaapekto sa bilang ng botong madadagdag o mababawas kung susuportahan natin ang impeachment. We must uphold our constitutional mandate to revoke the powers of abusive government officials,” sabi ni Cendaña.
Ayon sa Akbayan, nasa 5,000 tao ang lumahok sa protesta.
Samantala, ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ay nag-deploy naman ng 2,000 personnel at 1,000 naman ang naka-standby para tiyakin ang seguridad ng aktibidad.
Nitong Enero 10, kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na naberipika na ang tatlong impeachment complaints ang isinampa laban kay Duterte.
Para kay VP Duterte, welcome para sa kanya ang ano mang impeachment complaints na isinampa laban sa kanya.




