ALBAY – Nakadaong sa pantalan ng Legazpi City ang international cruise ship na MS Hanseatic Spirit ng Hapag LLoyd Cruises pasado alas 8:00 ng umaga nitong Huwebes, Mayo 16.
Lulan ng naturang cruise ship ang tinatayang nasa 200 hanggang 250 mga turista at 160 German at Filipino crew.
Iikutin mga turista ang mga pasyalan sa Legazpi, Daraga, Camalig at ang Tinaga Islands sa Camarines Norte, Calaguas ng Camigin Norte at Batangas at tutungo ng Taiwan, Japan, at Korea.
Ayon kay Maria Salee Mora, ang Assistant Regional Director ng Department of Tourism (DOT) Bicol, malaking bagay na nabibisita ng naturang international cruise ship ang rehiyon. Nagiging daan kasi ito upang mas makilala pa sa labas ng bansa hindi lang ang Lungsod ng Legazpi o ang probinsya ng Albay kundi maging ang buong rehiyong Bicol.
Dagdag pa ni Mora, posibleng marami pang international cruise ship ang bibisita sa Legazpi City lalo na kapag maisakatuparan na ang proyektong cruise ship terminal na pinupondohan ni Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co na isa sa mga legacy project ng kongresista sa Bicol, na inaasahang magdadala ng malaking ambag sa industriya ng turismo sa Bicol.
Samantala, Abril 30, 2023 nang unang bumisita ang MS Hanseatic Nature Cruise Ship sa naturang lungsod. Lulan naman nito ang 180 German tourist passengers na namasyal rin sa ibat-ibang lugar sa Bicol.






