MASBATE – Patay na nang matagpuan ang isang higanteng Sperm Whale o balyena sa dagat ng Uson, Masbate nitong Miyerkules, Marso 6, 2024.
Batay sa ulat, nakita pang buhay at nakasadsad sa mababaw na bahagi ng dagat sa Brgy. Sto. Cristo at Panishina, Masbate ang balyena at agad namang ipinagbigay alam ng isang nakakitang mangingisda sa awtoridad.
Agad naman daw itong nirespondehan ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Municipal Agriculture Office at ibinalik sa malalim na bahagi ng karagatan subalit pasado ala-1:00 ng hapon ng parehong araw ay muli itong nakita sa mababaw na bahagi ng dagat sa Brgy. Dapdap, Uson, Masbate hanggang sa sumunod na araw ay natagpuan ng walang buhay.
55 feet ang haba nito at tinatayang aabot sa 30 hanggang 40 tonelada ang bigat o katumbas ng isang bus at posible umanong 70 taong gulang na.
Kaugnay nito, nanawagan ang mga kinauukulan na agad na ipagbigay alam sa kanila ang mga katulad nitong insidente para sa mas maayos na pangangalaga sa marine species.




