Binigyan ng House of Representatives ng huling pagkakataon si Vice President Sara Duterte at ang Office of the Vice President (OVP) na depensahan ang P2.037 billion proposed budget para sa 2025 sa Plenaryo.
Nag-mosyon si Senior Deputy Minority Leader, Northern Samar 1st District Representative Paul Daza na isama sa plenary debate schedule ang OVP budget sa huling sesyon ngayong araw, Setyembre 25, 2024 dahil ‘no show’ pa rin ang bise presidente.
“It’s already 9 p.m., we’ve waited the whole day and there’s still no appearance from what I was told with the [OVP]. We want to make sure that we give ample opportunities for the [OVP] to make an appearance for our sponsorship and debate of all agencies,” sabi ni Daza.
Sumama sa mosyon si Deputy Majority Leader Tingog Partylist Representative Jude Acidre, isa sa mga mambabatas na pumuna sa pangalawang pangulo dahil sa pag-iwas sa kabuoan ng budget process.
Inaprubahan ni Deputy Speaker Lanao del Sur 2nd District Representative Yasser Balindog ang mosyon matapos walang tumutol dito.
Kaugnay nito, natanggap na ng plenaryo ang kopya ng sulat ni Pangulong Bongbong Marcos na sertipikahang urgent ang House Bill 10800 o ang P6.352 trillion 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Una nang inirekomenda ang Committee on Appropriations na tapyasin ng 63% ang OVP budget, ibababa sa 733 million pesos dahil sa kabiguan ng bise presidente nja sagutin ang mga tanong sa OVP budget.
17 oras na pinaghintay ang mga mambabatas, pinasinungalingan ng OVP
Itinanggi ng OVP ang pahayag ng ilang mambabatas na pinaghintay sila ng 17 oras sa House Plenary debate sa 2025 budget proposal.
Matatandaang pinuna ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang hindi pagdalo ni VP Duterte sa House Plenary deliberations, at sinabing naghintay sila ng 17 oras – mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng madaling araw nitong Setyembre 24.
Paliwanag ng OVP, batid na ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Adiong ang sponsor ng OVP budget mula pa nitong Setyembre 16, 2024 – ang petsa na natanggap ng kanyang opisina ang September 11 letter ng OVP na nagsasaad na ipinapaubaya na ni VP Duterte ang deliberasyon ng OVP budget proposal sa Kamara.
Bagamat hindi dumalo ang bise presidente, nagpadala sila ng OVP representative para dumalo sa deliberasyon ng budget noong Lunes, Setyembre 23, 2024. Subalit kailangang umalis ng OVP representative sa budget deliberation sa kawalan ng ‘written communication’ na kailangan sa House rules na nag-ootorisa sa kanila na maging kinatawan ng OVP.






