Naaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang nakatatandang kapatid ni dating Presidential Economic Adviser na si Michael Yang, pasado alas-8:30 ng gabi nitong Huwebes, Setyembre 19.
Ito ang kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Batay sa mission order, si Yang Jian Xin o mas kilala bilang ‘Tony Yang’ ay hinuli ng PAOCC at Bureau of Immigration (BI), sa tulong ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP) dahil sa pagiging undesirable alien at misrepresentation.
Isinagawa ang pag-aresto matapos dumating si Yang galing ng isang Cebu Pacific Flight mula Cagayan de Oro.
Ayon kay BI Officer-In-Charge Commissioner Joel Anthony Viado, kapag napatunayang guilty, si Yang ay mahaharap sa deportation at blacklisting.
Ang deportation ay ipapatupad kapag nagkaroon na ng resolusyon sa lahat ng nakabinbing kaso sa Pilipinas.
Si Yang ay gumagamit din ng alyas Antonio Lim.
Pineke rin ni Yang ang SEC certification ng Phil. Sanjia Corporation na kanyang pagmamay-ari.
Ang mga Pilipinong empleyado sa naturang kumpanya ay naghain na ng reklamo dahil sa non-remittance ng kanilang mandatory benefits gaya ng SSS, PhilHealth, at Pag-ibig.
Itinurn-over si Yang sa kustodiya ng PAOCC para sa isasagawang imbestigasyon hinggil sa mga reklamong kanilang natanggap.
House Quad-Comm investigation
Kaugnay nito, ikinokonsidera ng House committee na imbitahan si Yang sa serye ng mga pagdinig.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, malaki ang maitutulong ni Tony Yang sa kanilang imbestigasyon sa illegal POGO at drug smuggling sa bansa.
Sinabi naman ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, sisilipin din sa pagdinig ang posibleng koneksyon sa pagitan ni Tony at ni Guo.
Mababatid na si Michael Yang ay may arrest order mula sa House Committee on Dangerous Drugs kasunod ng contempt citation dahil sa kabiguang dumalo sa mga pagdinig hinggil sa P3.6 billion drug buy-bust sa Pampanga, kung saan nadadawit din ang kanyang pangalan.




