LEGAZPI CITY, ALBAY – Pumalo na sa 104 ang kaso ng Pertussis sa Bicol Region.
Ito ay batay sa Pertussis Bulletin No. 2024-0010 na inilabas ng Department of Health Bicol Center for Health (DOH-CHD) Development.
Simula Enero 1 hanggang Hunyo 29, 2024, umakyat na sa 62 ang clinical case ng pertussis sa rehiyon. Ito ang mga pasyente na nakaramdam ng pag-ubo sa loob ng dalawang linggo na may kasabay na whooping at post-tussive vomiting o pagsusuka matapos ang sunod-sunod na pag-ubo.
Tinatayang 32 naman ang laboratory confirmed case o ang mga pasyente na nag positibo sa Polymerase Chain Reaction (PCR) test dahil sa acute cough illness.
Nasa 41 ng sakit ang naitala sa probinsya ng Albay, 30 sa Camarines Sur, 27 sa Sorsogon, 3 sa Camarines Norte at Masbate. Tatlo ang binawian ng buhay, isa sa Camarines Sur, isa sa Masbate, at isa rin sa Camarines Norte.
Ayon sa DOH Bicol, agad na kumonsulta sa health center kung nakakaramdam na ng mga sintomas ng Pertussis gaya ng sipon, trangkaso, lalo na kung halos dalawang linggo nang umuubo.
Ang Pertussis o Whooping Cough ay isang nakakahawang sakit, nakakamatay at higit na mapanganib ito para sa mga bata. Ilan pa sa mga sintomas ng Pertussis ay ang hirap sa paghinga dulot ng pag-ubo.
Paalala ng DOH, importanteng kumpletuhin ang 3 doses ng pentavalent vaccine o 5 in 1 vaccine na para sa Diptheria, Pertussis, Tetanus, Influenza B, at Hepatitis B.






