Umakyat na sa higit 300 kaso ang nakaranas ng stroke ngayong holiday season, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa datos mula sa walong sentinel sites ng ahensya, mula sa 12 kaso noong December 23, 2024 ay umakyat pa ito sa 146 nitong Enero 2, 2025.
Mula sa 146 na kaso, dalawang pasyente ang binawian ng buhay.
Samantala, 140 stroke patients ang naitala sa Philippine General Hospital (PGH), at 41 iba pa sa Tondo Medical Center.
Karamihan sa mga pasyente ay may edad 45 hanggang 64.
Bukod dito, iniulat din ng DOH na tumaas ang kaso ng acute coronary syndrome (ACS) mula sa dalawang kaso noong Disyembre 22 hanggang 74 nitong Enero 2.
Tumaas din ang kaso ng bronchial asthma, mula sa anim na kaso nitong Disyembre 22, naging 80 na ito nitong Enero 2. Karamihan sa mga kaso ay mga batang may edad 0 hanggang 9.
Una nang inihayag ng DOH na binabantayan nila ang Holiday Heart Syndrome sa harap ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon
Ang Holiday Heart Syndrome ay kondisyon dulot ng sobrang pag-inom ng alkohol, stress, kawalan ng pahinga, at sobrang pagkain ng maaalat at matatabang pagkain na maaaring ikataass ng blood pressure.






