Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) Albay na mahigpit ang pagpapatupad ng Kontra-Bigay Campaign ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Ayon kay Atty. Maria Aurea Bo-Bunao, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Albay, katuwang nila sa kampanyang ito ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Albay para sa legal assistance.
Bukod dito, mayroon ding 28 volunteer lawyers mula sa IBP ang itinalaga sa iba’t ibang munisipyo at lungsod sa Albay.
Nakipag-ugnayan din ang Albay sa College of Law ng Bicol University (BU), University of Sto. Tomas (UST) at Bicol College (BC).
Tutulong aniya ang mga volunteer law studend sa pagtanggap at paghahain ng mga reklamo hinggil sa mga insidente ng vote-buying at vote-selling, sa ilalim ng pamamahala ng IBP volunteer lawyers.
Paglilinaw pa ng poll body official na hindi lamang pera ang may kinalamang sa vote-buying at vote selling, pero maging ang pagtanggap ng mga bagay na may halaga.
Ang sino mang mapapatunayang lumabag sa election code ay mahahabla at mapapatawan ng parusa. Ang kandidatong mapapatunayan ding lumabag ay hindi na maaaring makapaghain pa ng kandidatura sa mga susunod na eleksyon.






