Umakyat na sa 81 ang nasawi matapos manalasa ang Bagyong Kristine sa bansa.
Ayon kay Office of Civil Defense Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, karamihan sa mga naiulat na fatalities ay mula sa CALABARZON na nasa 48, kabilang dito ang 18 natabunan ng buhay kasunod ng landslide sa Talisay, Batangas. Kasunod ang Bicol Region na nasa 28 katao.
Nakapagtala rin ng fatalities sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Central Luzon, at Zamboanga Peninsula.
Nasa 34 na indibiduwal ang nawawala, habang 66 ang sugatan.
Kabuoang 4,472 million individuals o 1.062 million na pamilya ang apektado ni ‘Kristine’ sa 16 mula sa 17 rehiyon sa bansa.
Nasa 495,000 individuals o 132,000 na pamilya ang na-displace at nananatili sa 6,452 evacuation centers o ibang kakilala o kaanak.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 547 lugar sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VIII, IX, XIII, Caraga, BARMM, at Metro Manila ang lubog sa baha.
Nasa 98 infrastructure projects na nagkakahalaga ng P203.8 million ang napinsala. 8,432 na bahay ang nasira.
Aabot sa 1,613.77 ektarya ng pananim kabilang ang iba’t ibang livestock, poultry, at fisheries ang napinsala ng bagyo. 3,049 na magsasaka at mangingisda ang apektado. Nasa P143.472 million ang pinsala sa agrikultura sa CAR, Ilocos, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Regions 10 at 12.
83 siyudad at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity dahil sa bagyo.
Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG), nasa 1,867 na pasahero ang stranded sa 37 pantalan sa bansa.




