OAS, Albay – Mabilis na nakatugon ang mga tauhan ng Oas Municipal Police Station (MPS) para maaresto ang isang lalaki dahil sa umano’y illegal possession of firearms sa Barangay San Juan, Oas, Albay.
Sa ulat, nakatanggap ng sumbong ang mga pulis ukol sa isang kahina-hinalang indibiduwal na umiikot sa kanilang barangay habang may bitbit na armas.
Sa kanilang pagresponde, agad na inaresto ang suspek na si alyas “Voltaire”, 33-anyos at kinumpiska agad ang hawak nitong armas lalo na at hindi nakapagprisenta ang suspek ng legal na dokumentong nagpapahintulot sa kanya na magkaroon ng firearm.
Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .45 baril, at magazine na may pitong cartridges.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na may kaugnayan sa COMELEC Gun Ban.






