Nasawi ang isang lalaki matapos malunod sa karagatang bahagi ng Barangay Tibang, bayan ng San Andres Catanduanes nitong Araw ng Pasko, Disyembre 25, 2023.
Sa ulat, mag-isang naliligo ang tinatayang 25-anyos na lalaking biktima sa dagat nang tangayin siya ng malakas na alon.
Sinubukan pang iligtas ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Codon ang 25-anyos na biktima at binigyan ng paunang lunas at isinugod pa sa ospital, pero sa kasamaang palad ay idineklara itong dead-on-arrival.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaki dahil walang nakakakilala sa kanya sa naturang lugar.
Dahil dito, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na sundin ang mga safety measures lalo na kapag maliligo o lalangoy sa dagat para maiwasan ang insidente ng pagkalunod.






