CAMARINES NORTE – Arestado ang isang lalaki matapos ireklamo ng isang kainan sa Barangay V, Bayan ng Daet, Camarines Norte nitong Hunyo 20, 2024.
Ayon kay Police Captain, Leoncio Garfin Jr, ang tagapagsalita ng Daet Municipal Police Station (MPS), inirereklamo ang 27-anyos na suspek na si alyas “Bentong” matapos na magpanggap na empleyado pa ng LS One Company na partner company ng Jollibee sa nasabing bayan at nakakontrata bilang taga pick-up ng used oil sa nasabing kainan.
Batay sa impormasyon, dating taga-kolekta ng used oil ng naturang kompanya ang suspek sa naturang kainan subalit dahil sa laging kulang ang mga naituturn-over nitong used oil ay na-terminate ang kanyang kontrata.
Kahit tinanggal na sa trabaho ay patuloy pa rin umanong ginagamit ng suspek ang pangalan ng dati nitong kompanya, ngunit dahil sa pagiging alerto ng branch manager ng kainan ay agad na nabuking ang panloloko nito at isinumbong sa pulisya na nauwi sa kanyang pagkakaaresto.
Dagdag pa ni Garfin, nakuhanan din ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at isang glass tube pipe ang suspek sa ginawang body search.
Sa kasalukuyan, nasa kostudiya na ng Daet Municipal Police Station (MPS) ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Estafa.






