SORSOGON – Halos hindi na makilala ang bangkay ng isang 74-taong gulang na lalaki matapos masunog ng buhay sa tinutulugan nitong kubo sa Barangay La Union, bayan ng Castilla, alas-5:45 ng hapon nitong Sabado, Pebrero 3, 2024.
Ayon kay Senior Fire Officer 4 Rommel Rebua ang Fire Marshall ng Castilla Fire Station, kinilala ang biktimang si Francisco Jarden Jarme, residente ng nasabing barangay.
Ayon kay Rebua, pasado alas-6:00 ng gabi nang maireport sa kanila ang insidente dahil sa gawa lamang sa light materials ang kubo at mabilis na lumaki ang apoy. May kalayuan din ang barangay kaya huli na nang makarating sila sa lugar ng insidente.
Batay sa imbestigasyon, mismong asawa ng biktima ang unang nakadiskubre ng sunog at agad ipinagbigay sa kinauukulan ang impormasyon. Hiwa-hiwalay ang mga bahay sa lugar kaya maaaring hindi agad napansin ang insidente. Hindi naman inaalis ng otoridad ang posibleng anggulong Foul Play.
Sa ngayon, blangko pa ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa kung ano ang naging dahilan ng sunog habang patuloy din ang ginagawang mas malalim na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa insidente.
Samantala, ngayong taon ito pa lang ang naitalang insidente ng sunog sa nasabing bayan na may binawian ng buhay.



