May taunang P7,000 na medical allowance na ang mga manggagawa sa gobyerno simula ngayong taon, ito ang inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM).
Inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pag-iisyu ng Budget Circular No. 2024-6, kung saan inilalathala ang guidelines para sa pagbibigay ng medical allowance sa eligible government workers simula 2025.
Sa statement nitong January 2, sinabi ng DBM na ang P7,000 medical allowance ay ibibigay sa kwalipikadong government workers upang sila ay makabangon mula sa halaga ng health maintenance organization (HMO)-type benefits.
“The Circular applies to all civilian government personnel in the national government agencies, including state universities and colleges and government-owned and controlled corporations not covered by Republic Act No. 10149 and Executive (EO) No. 150, s. 2021,” ayon sa DBM.
Ano man ang appointment status, full-time man o part-time basis, maaaring matanggap ang medical allowance. Sakop din nito ang mga empleyado sa local government units at local water districts.
Pero nilinaw din na hindi saklaw ng medical allowance ang mga tumatanggap ng HMO-based healthcare services sa pamamagitan ng special laws, mga opisyal at empleyado sa lehislatura at hudikatura, at sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na may ibang compensation systems.
Hindi rin kasama ang military personnel, uniformed personnel sa iba’t ibang safety and defense agencies, at mga natanggap sa trabaho na walang employer-employee relationship, tulad ng consultants, laborers na nasa ilalim ng job contracts (pakway), student laborers, at mga indibiduwal na tinanggap sa pamamagitan ng job order (JO), contracts of service (CO) o kaparehas na arrangements.
Ang medical allowance ay bahagi ng Executive Order (EO) No. 64 s. 2024, kung saan kabilang ang salary increase para sa mga kawani ng gobyerno, na nilagdaan nitong Agosto 2024.






