ALBAY – Umabot na sa 1,565 magsasaka sa bayan ng Pio Duran, Albay ang apektado ng mainit na panahon base sa ipinalabas na datos ng Municipal Agriculture Office (MAO).
Ayon kay Aaron Losabia, ang Municipal Agriculturist ng Pio Duran, ang pag-monitor muna sa mga sakahan ang kanilang tinututukan sa ngayon at dahil nan rin sa kawalan ng sapat na pondo ay wala pa raw silang maibibigay na asistensya sa mga apektadong magsasaka.
Ayon naman kay MDRRMO Pio Duran Head, Noel Ordoña, hindi pa opisyal na maidedeklarang nasa state of calamity ang lugar dahil sa patuloy pa ang kanilang ginagawang masusing assesment upang masigurong may basehan ang pagdedeklara nito.
Paglilinaw naman ni Ordoña, hindi niya pa masasabing epekto ng El Niño ang nararanasang drought o tagtuyot sa kanilang bayan dahil sa hindi pa nagdedeklara ang PAGASA na mayroong El Niño.
Hinihintay naman ni Pio Duran Mayor Allan Arandia ang magiging resulta ng ginagawang assessment na pagbabasehan ng kanilang mga susunod na hakbang. Idinagdag pa ng opisyal, bukod sa nararanasang tagtuyot mas nagkaroon din ng paghina ng suplay ng tubig sa Panganiran Dam na lubos na nagpapahirap ngayon sa kanilang mga magsasaka.
Umaasa ang alkalde na magkakaroon ng reconstruction ang National Irrigation Administration Bicol (NIA) sa nasabing dam lalo na isa ito sa pinagkukunan ng suplay ng tubig ng hekta-hektaryang sakahan sa bayan.
Samantala, base sa datos ng Pio Duran Municipal Agriculture Office, aabutin sa 83,785,520.00 pesos ang tinatayang danyos ng drought o tagtuyot sa nasabing bayan.






