ALBAY – Narekober ng mga sundalo at pulis ang iba’t ibang uri ng armas na inilibing at itinago ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Tablon, bayan ng Oas nitong Mayo 29, 2024.
Matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang informant, agad na nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib-pwersa ng 9th Infantry Battalion Philippine Army, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Oas Municipal Police Station (MPS) at Albay Police Provincial Office (PPO).
Kabilang sa kanilang narekober ang walong M16 rifle, isang M203 grenade launcher, isang M14 rifle, isang sniper rifle, magazines at mga bala ng matataas na kalibre ng baril.
Ayon kay 9th ID Spokesperson Capt. Frank Roldan, pinaniniwalaan nila na ang mga nahukay na armas ay pagmamay-ari ng rebeldeng grupong binubuo ninila Romeo Nepalis o Alyas “Bokno” o “Mar”, Jeffrey Sesno o alyas “Siencrypt”, at Noel Olavides o alyas “Myra” ng Sub-Yunit Rehiyong Guerilla (SYRG) Sub-Regional Commitee 5 (SRC5).
Isasailalim ang mga narekober na baril at bala sa ballistic examination para malaman kung ginagamit pa ba ito ng mga rebeldeng grupo sa mga engkwentro.
Dahil dito, mas hihigpitan ng Philippine Army (PA) ang pagmo-monitor at pagbabantay sa buong Kabikulan lalo na at paparating na ang eleksyon.
 
					 
							 
										





