Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga tindahan laban sa pagbebenta ng ilegal na paputok.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, maaaring maharap sa kanselasyon ng permit at pagkakakumpiska ng kanilang paninda kapag napatunayang sila ay lumabag.
Para sa pagbebenta ng illegal firecrackers online, sinabi ni Fajardo na ang PNP Anti-Cybercrime Group ay nagsasagawa na ng operasyon mula nitong Disyembre 6.
Kabuoang 541 illegal firecrackers na nagkakahalaga ng P14,370 ang nasabat sa tatlong operasyon, ayon sa ACG. Karamihan sa nakumpiska ay Five star, Pla-Pla, Lolo Thunder, at iba pa.
Samantala, sa huling datos ng Department of Health (DOH), nasa 17 firecracker-related injuries na ang kanilang naitala bago ang pagsalubong sa bagong taon. Naitala ito mula Disyembre 22 hanggang 23 sa 62 sentinel hospitals sa bansa.
Mula sa nasabing bilang, 16 ay lalaking may edad 7 hanggang 37 taong gulang.
Muling paalaala ng DOH sa publiko na iwasang gumamit ng paputok sa pagdiriwang ng holidays at gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay.





