Mapayapa sa pangkalahatan ang pagdaos ng 2025 National and Local Elections, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ito sa kabila ng mga naiulat na gun attacks, technical glitches, isyu sa power supply, at ilang karahasan.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil, nasa higit 163,000 police, at 200,000 personnel mula sa law enforcement agencies ang nakabantay kasabay ng pag-canvass ng mga boto.
“It’s very peaceful. But all our policemen on the grounds remain on guard, they continue to make arrests. My instruction is to arrest all those who would dare to create trouble,” sabi ni Marbil.
Sinabi naman ni PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo, ilang technical glitches at power interruptions ang naitala sa ilang bahagi ng Central Luzon, Northern Mindanao, Davao at Cordillera Administrative Region.
Ang mga power interruptions ay dulot ng electric transmission issues pero agad naman itong naresolba.
Samantala, iniulat din ng PNP na apat ang naitalang nasawi habang 12 ang sugatan sa gun attacks at iba pang karahasan sa ilang bahagi ng bansa.
Dalawa ang naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), habang dalawa sa Negros Island Region. Walo ang naiulat na sugatan sa BARMM, habang ang natitira ay mula sa Negros Island Region at CAR.
Nasa 62 indibiduwal ang inaresto dahil sa paglabag sa liquor ban ngayong araw. Sa kabuoan, aabot na sa 159 ang naaresto dahil sa naturang paglabag.
Nasas 19 ang inaresto sa vote-buying and selling, habang tinutugis ang 22 iba pa.





