Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) Bicol si Ruel Cabrillas ng Molosbolos, Libon, Albay na isa sa mga Most Wanted sa rehiyon.
Naaresto si Babrillas ng pinagsanib pwersa ng NBI Bicol at NBI Laguna nitong Enero 29 sa isang construction site sa Novali Subdivision, Barangay Calubang, Laguna.
Isang taon ding minanmanan ng NBI Bicol ang suspek na nasampahan ng kaso noong pang nakaraang taon.
Ayon kay Attorney Jesse Jimenez ng NBI Bicol, si Cabrillas ang itinuturong pumatay, nagpugot at chumap-chop sa magkapatid na Gilbert at Glen Quizon, Newin at Marlon Ansay, Ysabelle Rason, Jonald Senyadan at pumatay umano sa tinatayang 30 police assets sa Libon, Albay.
Miyembro rin umano si Cabrillas ng notoryus na Concepcion Criminal Gang at iba pang grupong patuloy na nangingikil sa mga politiko at negosyante.
Nabatid na ‘Ruel Arellano’ ang ginagamit nitong alyas upang hindi makilala.
Nakatakdang iuwi si Cabrillas sa Albay para harapin ang kaso nitong 2 counts of murder at kidnapping with murder ano mang araw ngayong linggo.






