Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang motion for reconsideration laban sa pagtakbo ni religious leader Apollo Quiboloy sa Senado sa 2025 Midterm Elections dahil sa ‘kawalan ng merito.’
Sa resolusyong inilabas nitong Disyembre 27, 2024, ibinabasura ng poll body ang mosyong inihain ni Sonny Matula ng Workers and Peaants’ Party (WPP) para baligtarin ang desisyon ng Comelec First Division para payagan si Quiboloy na tumakbo para sa Senado.
Paliwanag ng en banc, walang valid ground na ipinunto sa mosyon.
Ang resolusyon ay nilagdaan nina Comelec Chairman George Garcia, Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay, Ernesto Ferdinand Maceda Jr., at Nelson Celis.
Sa kanyang mosyon, iginiit ni Matula na pambabastos sa electoral process ang kandidatura ni Quiboloy.
Dagdag pa ni Matula na ang ruling ay nagpapakita ng inconsistencies sa pagtrato ng mga kandidato.
Binigyang diin ni Matula ang mga kinakaharap na kaso ni Quiboloy tulad ng human trafficking at sexual abuse.
“Let’s be clear—this isn’t about ganging up on Quiboloy…but the inconsistencies and legal infirmities in this resolution can’t be ignored. This Motion for Reconsideration is a call to fix these issues before they undermine the credibility of our electoral system,” ayon sa WPP.






