Nakapagtala ang Department of Agriculture (DA) Bicol ng kabuoang P1.7 million na kita mula sa “Kadiwa ng Pangulo”.
Ito ay kasabay ng inilunsad na “Handog ng Pangulo: Serbisyong Tapat Para sa Lahat” event, bahagi ng pagdiriwang ng ika-67 kaarawan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. nitong Setyembre 13, 2024
Ayon kay DA Bicol Spokesperson Lovella Guarin, ang mga Kadiwa stalls sa anim na lalawigan sa Bicol ay binubuo ng mga lokal na magsasaka, exhibitors, at iba pang national government agencies, alok ang agricultural products sa mababang halaga.
Ang Camarines Sur ang may pinakamataas na sales na nasa P689,695, kasunod ang Sorsogon na may P283,455, at Albay P280,140.
Nakapagtala naman ng P204,593 sa Catanduanes, P153,816 sa Masbate, at P107,699 sa Camarines Norte.
Naging bahagi rin ng aktibidad ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Samantala, ang National Irrigation Administration (NIA) Bicol ay naglunsad ng “Murang Bigas sa NIA @ 29” program na inisyal na nakalaan para sa vulnerable groups, kabilang ang mga senior citizens, solo parents, at persons with disabilities.






