Maaari nang mapalitan ng plastic card na driver’s license ang mga naisyuhan ng paper-printed license simula Abril 15.
Sa isang panayam kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang mga naisyuhan ng papel na lisensya ay maaaring bumalik sa district office kung saan sila naisyuhan at papalitan ito ng plastic card.
Sinabi rin ng tanggapan na ang mga lisensyang mayroong expiration dates mula Abril 1 hanggang Agosto 31, 2023 at Abril 1 hanggang Abril 30, 2024 ay ini-schedule sila para makapag-renew ng kanilang lisensya mula Abril 15 hanggang 30, 2024.
Ang second batch naman ay ang mayroong lisensyang mapapaso mula Setyembre 1 hanggang Disyembre 31, 2023, at Mayo 1 hanggang 31, 2024, kung saan naka-schedule sila para sa renewal mula May 1 hanggang 31, 2024.
Ang mga lisyensyang may expiration date mula Enero 1 hanggang 31, 2024, at Hunyo 1 hanggang 30, 2024 ay maaaring mag-renew mula Hunyo 1 hanggang 30, 2024.
Ang pagbabalik ng pag-iisyu ng plastic driver’s licenses ay kasunod ng pagbawi ng Court of Appeals (CA) sa injunction order na pumipigil sa LTO sa pagtanggap ng plastic cards.
Kaugnay nito, na nasa isang milyong piraso ng plastic cards ang naipadala na sa central office nitong Marso 25, at nasa 2.2 million na karagdagang cards pa ang ipapadala sa LTO sa Mayo.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na sapat na ang naturang bilang para mapunan ang backlog ng plastic-printed driver’s license.
Ang mga plastic cards ay iinspeksyunin din ng mga eksperto mula sa Department of Science and Technology (DOST) para malaman kung nasusunod nito ang terms of reference sa kontrata, lalo na ang mga security features.
Kapag naaprubahan ng DOST ang mga plastic cards, agad ito ipapadala sa regional offices para masimulan ang processing at claiming simula sa April 15.





