Mas hihigpitan pa ngayong Semana Santa ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) Bicol ang pagbabantay sa bawat border sa Bicol.
Ito ang siniguro ni PDEA Bicol Director III Edgar Jubay sa ginawang pagtitipon sa kanilang opisina sa Kampo Heneral Semeon Ola sa Legazpi City nitong Lunes, Marso 25.
Ayon sa opisyal, inaasahan nila ang pagdagsa ng mga byahero mula sa National Capital Region (NCR) na papasok sa rehiyon ngayong Holy Week na posibleng may bitbit na iligal na droga kaya upang mapigilan ang paglaganap nito asahan na umano ang kanilang mahigpit na pagbabantay.
Maliban sa mga border, mas mahigpit din ang pagbabantay ng ahensya sa mga daungan, bus terminal at sa mga train stations sa Kabikulan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PDEA Bicol sa ibang law enforcement unit para sa mas malawak na implementasyon ng kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Samantala base sa datos, 10 anti-drug operations na ang matagumpay na naikasa ng ahensya sa buong rehiyon magmula Enero hanggang sa kasalukuyan na nagresulta naman sa pagkakaaresto ng 33-drug personalities at pagkakarekober sa 2,700 grams na ilegal na droga na nagkakahalaga ng 18,000,000 pesos.





