Patuloy na tinatalakay ang posibilidad ng pagkakaloob ng clemency kay convicted overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso kasabay ng pangako ng Philippine Government na kikilalanin ang kondisyon sa paglipat sa kanya.
Si Veloso, na nasa death row sa Indonesia ng higit dekada dahil sa drug charges ay makakauwi na sa Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Bongbong Marcos, unang pagkakataon ito kaya hindi pa malinaw kung ano ang mga susunod na mangyayari.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, ang sentensya ng Indonesian government kay Veloso mula kamatayan ay ibinaba sa habambuhay na pagkakakulong.
Aniya, ang development na ito partikular ang pagpapauwi kay Veloso ay bunga ng magandang relasyon ng Pilipinas at Indonesia.
Nagpapasalamat si Pangulong Marcos kina Indonesian President Prabowo Subianto at dating president Joko Widodo.
Naniniwala naman si Senate President Francis Escudero na posibleng bigyan ng clemency si Mary Jane, pero kailangan niyang dumaan sa pamamagitan ng legal at democratic processes.
“I believe that PBBM will. However, it will have to go through the process, both legal and diplomatic, and with due courtesies to the Indonesian government,” ani Escudero.
Sa joint statement ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ), kikilalanin ng pamahalaan ang mga kondisyon para sa paglipat kay Veloso, lalo na ang pagsisilbi ni Mary Jane ng kanyang sentensya sa Pilipinas.
Noong 2010, nahulihan si Veloso ng 2.6 kilogram ng heroin sa Indonesian Airport at hinatulan siya ng parusang death penalty sa pamamagitan ng firing squad.
Samantala, sa panayam kay DOJ Undersecretary Raul T. Vasquez, hindi dapat agad-agad ibibigay ang pardon kay Veloso dahil kailangang igalang ang naging hatol ng Indonesian court sa Filipina.
“Hindi natin pwedeng talikuran ‘yun, pagkadating dito automatically kailangan natin ipardon s’ya or executive clemency, kasi magiging pagtalikod naman sa usapan sa Indonesia kasi humanitarian gesture ito,” sabi ni Vasquez.
Aniya, ang pagpapauwi kay Veloso ay batay sa isang kasunduan sa pagitan ng dalawnang bansa batay sa international comity at courtesy.






